Nanawagan ang election watchdog na LENTE sa Commission on Elections (Comelec) na isapinal na ang guidelines para sa May 2022 national at local elections.
Sa seminar na inorganisa ng US Embassy, sinabi ni Atty. Rona Cantos, executive director ng LENTE, na sa ngayon ay hindi pa handa ang mga Pilipino para sa halalan sa susunod na taon sa harap ng COVID-19 pandemic.
Hindi pa rin kasi aniya naisasapinal ng Comelec hanggang sa ngayon ang guidelines para sa 2022 polls, kahit pa ilang linggo na lang ay filing na ng Certificate of Candidacy (COC) para sa mga kakandidato sa mahigit 18,000 na posisyon sa pamahalaan.
Naniniwala si Cantos na mas mahihikayat ang napakaramaing mga registered voters na makibahagi sa halalan sa susunod na taon kapag mailatag na ng Comelec ang guidelines para rito.
Mahalaga kasi aniya ang confidence building na ito katulad ng ginawa ng poll body sa plebesito sa Palawan kamakailan, kung saan nakapagtala ng makasaysayang mataas na voter turnout.