-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Natukoy ngayon ng pulisya na nasangkot rin umano sa isa pang kaso nang pananambang ang grupo na nagtangka sa buhay ni Lanao del Sur Gov. Mamintal ‘Bombit’ Adiong Jr.

Ito ang tinukoy ni Police Regional Office 10 regional director Brig Gen Lawrence Coop kasunod sa kompirmasyon na nasampahan ng panibagong kasong kriminal ang tatlong miyembro ng Gandawali Criminal Group na unang naaresto ng pulisya habang nagpapalamig sa bayan ng Kalilangan,Bukidnon.

Sinabi ng heneral bago ma-ambush ang concoy ni Adiong Jr na nag-iwan ng apat na nasawi sa kanyang security escorts ay tinukoy na ng PNP na ang grupo na ito ang nasa likod pagpatay sa limang ahente ng PDEA-BARMM noong Oktubre 2018 sa probinsya pa rin ng Lanao del Sur.

Dagdag ng opisyal na nag-uugat ang pagka-aresto ni Palawan Macalbo dahil sa ilang counts ng murder cases na pending sa Lanao del Sur habang nahaharap rin ng ibang mga kaso sina Amirodin Mandoc at Nagac Baratomo dahilan na inaresto ng PNP-Bukidnon noong nakaraang linggo.

Magugunitang nakahain ng kasong multiple murder at frustrated multiple murder ang Special Investigation Task Group Adiong sa piskalya ng Marawi City laban kina Oscar Gandawali;Acsanie Hadji Salic at Lomala Baratomo na tinukoy umano ng mga testigo na nasa likod nang pag-ambush sa convoy ng gobernador noong Pebrero 17.