-- Advertisements --

Inamin ng grupong nagsusulong ng pag-amyenda sa Konstitusyon na People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA) na sila ang nagpasimuno ng signature drive para mangolekta ng boto mula sa mga botanteng Pilipino para sa isinusulong na charter change sa pamamagitan ng people’s initiative.

Ayon kay PIRMA lead convenor Noel Oñate, nagsimula noong nakalipas na linggo ang kanilang signature campaign at nakakatanggap diumano ng mainit na suporta ang kanilang inisyatibo mula sa publiko lalo na sa D at E voting areas kung saan inaasahan umano nilang makakakuha ng 20% turnout sa lungsod ng Pasay.

Sa katunayan, ang kanilang grupo din ang nagunguna sa pamamahagi ng signature forms sa buong bansa.

Inamin din nito na nakausap niya si House Speaker Martin Romualdez kaugnay sa signaure campaign ng grupo at nakikipag-ugnayan ang PIRMA sa mga kongresista.

Samanatala sa ilalim ng batas, mangangailangan ang grupong PIRMA na mapalagda ang nasa 12% ng kabuuang botante sa bansa o 3% kada distrito para sa kampaniya sa charter change.

Tinukoy naman ni Oñate na isa sa kanilang adbokasiya sa pagsusulong ng cha-cha ay bumuo ng isang unicameral legislative body kung saan iisa lamang ang magiging legislative chamber dahil katwiran ng grupo na mayroon aniyang pagkaantala ng decision making na hindi maganda para sa pag-unlad ng ekonomiya ng ating bansa.

Nais din ng grupo na mas maging bukas pa ang ekonomiya ng PH para makaakit ng mas marami pang dayuhang mamumuhunan sa ating bansa.

Maaalala na una na ring nilinaw ng PIRMA na hindi sila nagbibigay ng pera o kinakasangkapan ang kaban ng bayan kapalit ng pagboto ng mga rehistradong botante para sa itinutulak na charter change.