Inanunsyo ng DOTr na ang grupo o bidder na mag-aalok ng pinakamalaking bahagi ng kanilang kita mula sa pamamahala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa gobyerno ang magpapatakbo ng kontrata para sa operations and maintenance ng pangunahing gateway ng bansa.
Sa pre-bid conference para sa P170.6-billion NAIA Public-Private Partnership (PPP) project, ibinunyag ng Department of Transportation na mayroon na ngayong anim na grupo na bumili ng bid documents.
Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista,sa ilalim ng draft concession agreement para sa NAIA privation project, ang nanalong bidder ay dapat magbayad ng paunang bayad na P30 bilyon sa gobyerno.
Ito ay kasunod ng pagkakagawad ng kontrata, mag-remit taun-taon ng fixed na P2-bilyong annuity payment, at ibahagi sa gobyerno ang ilang porsyento ng kanilang mga kita.
Sinabi ni Bautista na ang alok na “revenue sharing” ang magiging pangunahing konsiderasyon sa pagpapasya kung sino ang mananalo sa NAIA PPP project.
Noong Hunyo, ang DOTr at Manila International Airport Authority ay nagsumite ng magkasanib na panukala sa National Economic and Development Authority Board na naghahanap ng private concessionaire upang mamuhunan sa modern air traffic control equipment, i-rehabilitate ang mga runway at taxiway, at pagbutihin ang mga kasalukuyang pasilidad ng NAIA terminal sa loob ng 15 taon.
Ang mga inaasahang bidder ay may hanggang Disyembre 27, 2023, upang isumite ang kanilang mga bid.
Kasunod nito, ang mananalong bidder ay matutukoy isang buwan pagkatapos ng deadline.