LEGAZPI CITY – Bukas ang grupo ng mga motorcycle manufacturers sa Pilipinas na makipagtulungan sa pamahalaan upang makabuo ng mas ligtas na hakbang sa pagbiyahe sa gitna ng coronavirus pandemic sa bansa.
Sa pulong kahapon ng nasabing grupo at ng Technical Working Group ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay tinalakay ang mga isyu sa paglalagay ng barrier.
Aminado si Engr. Ver Montaño, technical committee chairman ng Motorcycle Development Program Participants Association, Inc., na hindi sila kinonsulta bago ipatupad ang hakbang.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Montaño, nangangamba aniya ang asosasyon na magdulot ng mas malalang aksidente ang modification na inilagay kahit makaiwas man sa banta ng deadly virus.
Aniya, matagal na pinag-aaralan ang bawat disenyo ng mga motorsiklo na inaabot ng dalawang taon upang matiyak ang public safety at nakaayon sa regulasyon ng Land Transportation Offic.
Subalit malaki ang magiging epekto ng pagbabago hindi lamang sa mismong rider kundi sa mga katabing sasakyan sa kalsada.