-- Advertisements --
taxi

Muling kinalampag ng isang grupo ng mga operator ng taxi ang tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Ito ay upang iapela ulit ang kanilang hiling na dagdagan at gawing Php70 ang flag-down rate ng mga taxi mula sa dating Php40 na halaga nito.

Ayon kay Philippine National Taxi Operator Association president Bong Suntay, una nang inaprubahan ng LTFRB ang hiling na Php5 fare increase sa mga taxi ngunit hindi ito ipinatupad ng mga taxi operator.

Isang taon na kasi aniyang naka-pending ang kanilang apela na dagdagan ang flag-down rate sa mga taxi mula nang inihain nila ito noong taong 2021 pero hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin daw nagiging tugon dito ang LTFRB.

Paliwanag ni Suntay, humiling sila ng fare increase sa pamahalaan upang kumita ang mga taxi driver sa bansa at ganahan ang mga ito na mamamasada araw-araw.

Kung maaalala, una nang ipinaliwanag ng mga kinauukulan na ang mga apela na ito ng mga naturang grupo ng mga operator ay bunsod na rin ng nararanasang mataas na presyo sa kada litro ng produktong petrolyo sa Pilipinas na sanhi ng pag-aray ng marami sa ating mga kababayang tsuper.