-- Advertisements --

Inirekomenda ng grupong Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI) sa pamahalaan na gamitin ang National Food Authority sa iba pang serbisyo at hindi lamang sa pag-iimbak ng grains katulad ng bigas.

Ayon kay PCAFI president Danilo Fausto, hindi lamang dapat nagagamit ang NFA sa sa stockpiling ng bigas at mais kungdi maging ang iba pang mga produkto.

Maaari aniyang gamitin ang NFA sa pag-stockpile ng mga asukal, sibuyas, at maging ang mga isda.

Katwiran ni Fausto, may kapangyarihan ang NFA na mag-inspeksyon sa mga warehouse at mga cold storage facilities sa bansa. Maaari aniyang matukoy ng ahensiya kung anong mga produkto pa ang maihanay nito, maliban sa bigas at mais.

Inirekomenda rin ng grupo na mabigyan ang NFA ng pagkakataon na makapagbenta ng mga agricultural commodities sa merkado.

Sa ilalim ng Rice Tariffication Law(RTL), hindi na maaaring makapagbenta ang NFA ng mga subsidized rice dahil ang buffer stock nito ay gagamitin na lamang sa mga emergency situation at disaster relief.