Naghain kanina lang ang grupo ng mga biktima ng martial law ng disqualification case laban kay presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Commission on Elections (Comelec).
Inihain ito nina Bonifacio Ilagan, dating mambabatas na si Satur Ocampo at ilang biktima ng batas militar noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon sa mga petitioners, hindi raw dapat payagan ng Comelec na tumakbo si Marcos dahil sa kanyang conviction sa paglabag sa Internal Revenue Code na siyang basehan para sa penalty at perpetual disqualification sa paghawak ng public office.
Nakalagay sa petisyon ang desisyon noong 1995 ng Quezon City court na convicted si Marcos dahil sa hindi paghahain ng kanyang income tax return mula 1982 hanggang 1984.
Pero base naman sa ruling ng Court of Appeals (CA) nang iakyat ito ng kampo ni Marcos sa appelate court ay pinagmulta na lamang ang nakababatang Marcos at tinanggal ang parusang pagkakakulong.
Wala pang pahayag ang kampo ni Marcos sa naturang isyu.