-- Advertisements --

Nanindigan ang pinakamalaking grupo ng mga employer sa bansa na mas mainam ang pagbawas ng buwis kaysa pagtaas ng sahod, kasabay ng panawagan para sa wage hike ngayong Labor Day.

Ayon kay Sergio Ortiz-Luis Jr., pangulo ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), hirap na umano ang karamihan sa mga kumpanya dahil sa tumataas na gastos, kaya’t hindi na nila kakayanin ang dagdag sahod.

Babala niya, kung ipipilit ang wage hike, maaari itong magresulta sa pagkawala ng trabaho sa halip na makatulong sa employment.

Ngayong taon, muling isinusulong ang panukalang P200 dagdag-sahod, lalo na’t apektado ang mga Pilipino ng pagtaas ng inflation na umabot sa 4.1% noong Marso, dulot ng global factors tulad ng krisis sa Middle East.

Sa halip, iminungkahi ni Ortiz-Luis na bawasan ang excise tax at value-added tax (VAT) sa fuel upang agad na mapababa ang presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Aniya, ang ganitong hakbang ay magkakaroon ng mas malawak na epekto dahil mababawasan ang operational costs ng mga negosyo at makakatulong sa pag-stabilize ng presyo sa merkado. (report by Bombo Jai)