-- Advertisements --

Duda ang ilang netizens sa naging dahilan ni Iloilo Rep. Janette Garin na naging sanhi ng pagka-delay ng flight ng mga Medical Technologies trainees para sa pagiging frontliner ng mga ito dahil sa kinahaharap ng bansa na Coronavirus disease 2019 (COVID-19) scare.

Ayon kay Bencyrus Ellorin, convenor ng grupong Pinoy Aksyon for Governance and Environment (Pinoy Aksyon), nakakatakot na raw ang naturang virus na idineklarang pandemic kaya huwag na sanang umeksena ang mga pulitiko.

Duda rin ito na nagkaroon ng kaguluhan sa mga flights dahil kaunti lang ang mga pinapayagang mga flights sa ngayon matapos ang lockdown sa Metro Manila.

“Nakakatakot na nga ang COVID-19 pandemic, kaya sana naman huwag na pong umepal ang mga pulitiko sa panahong ito. Malabo yata mangyari ang ganong kaguluhan sa mga flight dahil konti lang ang flight na pinapayagan ngayon. Paano magkakaroon ng kaguluhan?,” pahayag ni Ellorin.

May mga nagsasabi rin na baka raw sinadyang pigilan ang paglipad ng limang med tech na dapat ay magiging trainees sa COVID-19 testing sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Dagdag ni Ellorin, hindi ngayon ang panahon para sa pamumulitika dahil buhay ng mga Pinoy ang nakataya rito.

“Di ko maiintindihan kung bakit may mga pulitiko na tinuturing itong paligsahan. Ayaw ba na dumami ang COVID-19 testing centers? Wala na dapat pulitika rito dahil buhay ng mga Pilipino ang nakataya. Walang pinipiling partido ang virus. Sana magtulungan na lang. Itigil na sana yung gustong magpabida dahil yung 2022 elections na ang iniisip. Kung patuloy na ganun mag-isip ay baka wala nang matitira sa atin sa 2022.
Yung greater good parati ang isipin sana nila. Kung ako, mas pipiliin ko sigurong ipauna yung 5 med tech sa Manila. Dahil sobrang laki ng tulong ng mga iyon kapag accredited na sila. Yung pag-test sa mga taga-Western Visayas ay sila na gagaw. So, mababawasan kahit konti ang trabaho ng mga taga Metro Manila. Baka pwede ginawan ng paraan na nagpa-iwan na lang muna dun si Rep. Garin. Pero ito ay suggestion ko lang. Pointless na rin kasi di naman ito ang nangyari. Nasayang na yung oras at pagkakataon, may gulo pa na ganito ngayon. Please lang po, i-quarantine n’yo muna ang mga ego n’yo,” dagdag pa ni Ellorin.

Nakaladkad ang pangalan ni Garin sa isyu nang lumabas ang mga akusasyon na isang “hijack” ang nangyari dahil naunsiyami ay planong training ng mga Med Tech dahil sa kanya.

Una rito, walang commercial flights na papuntang Metro Manila kaya nag-request si Iloilo City Mayor Jerry Treñas ng tulong mula sa negosyanteng si Alfonso Tan.

Si Tan naman ay agad na nagpahiram ng kanyang private plane para sa grupo.

Nakatakda ang limang Med Tech na lumpipad sa Manila nooong March 22.

Naiayos na umano ang lahat pati ang pagkuha ng flight clearance galing sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at sa Office of Civil Defense.

Si Presidential Consultant for Western Visayas Jane Javellana ay isa din umano sa mga tumulong na mabigyan ng clearance ang nasabing flight para makalipad ito papuntang Manila sa nasabing petsa.

Pero may naging problema sa pagpapatupad ng planong ito dahil laking gulat ng lahat nang biglang nagbago ang mga detalye ng nasabing flight.

Nang magpunta ang dalawang Med Tech galing sa Western Visayan Medical Center (WVMC) na sina Cecille Resol at Kathleen Torilla sa airport, sinabihan umano sila na kasama nila sa eroplano si Rep. Garin na galing sa Manila at pabalik rin sa araw na iyon.

Si Garin ay dumating sa Iloilo kasama ang mga taga-RITM na tumingin sa WVMC laboratory.

Sinabihan rin ang mga Med Tech na ang naka-schedule nilang flight ng alas-2:00 ay magiging magiging alas-4:00 dahil kailangan nilang hintayin si Garin.

Pero nag-alangan das ang mga Med Tech na sumama kay Garin dahil ang kongresista ay galing ng Manila, kung saan may mga kaso na rin ng COVID-19.

Ayon sa protocol, si Garin ay dapat naka-quarantine at hindi dapat gumala sa Iloilo.

Pero itinanggi naman ni Garin ang akusasyon na isang “hijack” ang nangyari dahil naunsiyami ang planong training ng mga med tech.

Wala raw siyang alam kung bakit nagkagulo ang mga flight arrangements.

Sa bahagi naman ni Javellana, nagpahayag ito na baka raw nasa parte ni Department of Health (DoH) Region 6 Director Marlyn Convocar ang dahilan ng bulilyaso sa flight.

Sinabi ni Javellana na hindi raw sila na-update ni Convocar na lilipad din papuntang Manila ang staff ni Iloilo City Rep. Julienne “Jam” Baronda.

Spekulasyon ni Javellana na ito raw siguro ang dahilan bakit hindi na pinayagan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na makalipad ang ibang Med Tech.

Ngunit ang mga sinabi na ito ni Javellana ay nakadagdag lang sa kaguluhan na nangyari.

Sabi ng ilang netizens ay “parang hugas-kay si Garin at tinulungan pa ni Javellana.”