LEGAZPI CITY – Bigo ang pandemyang dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) na patigilin ang isang dekada nang tradisyon ng pamilya sa Oas, Albay tuwing undas.
Bilang pag-alala sa pumanaw na padre de pamilya, pinapipinturahan ng limang magkakapatid ng iba’t ibang paboritong brands ng yumao ang nitso nito, na agaw-pansin naman sa mga netizens na ilan ay nagpapakuha pa ng larawan sa may nitso.
Kwento ni Angelle Relleve, anak ng nakalibing sa “viral nitso” sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, taong 2011 nang pumanaw ang ama nila sa atake sa puso subalit 2013 naisipan ang pakulo sa undas.
Aminadong maraming napataas ang kilay sa unang taon ng pagsasagawa nito kung saan paboritong brand ng sapatos ng ama ang pinakaunang ipinintura sa tulong ng isang artist.
May mga nagsabing kawalan ng respeto at labag sa pamahiin at tradisyon ang ginawa ng magkakapatid subalit ayon naman kay Relleve, pagpapakita lamang ito ng kanilang pagmamahal sa ama.
Nasundan pa ang pagpipintura ng nitso o kilala bilang grave branding mula sa mamahaling brand ng kotse na pinangarap ng ama, coffee shop, alak, perfume, polo shirt, chocolate, pati chewing gum at ngayong 2021 ay paboritong gatas ang tampok.