-- Advertisements --

Tumanggi ang babaeng grab driver at police officer na sangkot sa isang mainit na komprontasyon sa driveway ng isang coffe shop sa Taguig City na magka-ayos.

Kapwa disidido ang dalawa na maghain ng kaniya-kaniyang reklamo.

Ayon kay Taguig City Police Chief Col. Celso Rodriguez, kaniyang pinayuhan ang police commander ng Ususan Police Station na hikayatin na lamang ang babaeng Grab driver na si Florence Norial at Police Capt. Ronald Saquilayan na ayusin na lamang nila ang kinasangkutang isyu para hindi na ito umabot sa prosecutors office.

Pero ayon kay Rodriguez, parehong maiinit ang ulo ng dalawa kaya walang nagawa ang Pulis kundi tanggapin ang reklamo.

Martes ng Gabi ng arestuhin ng Taguig Police si Norial na umano’y nanakit sa police officer at sinabing ginawa lamang niya ito bilang self-defense dahil tinulak siya ng nasabing pulis.

Nagkainitan ang dalawa ng hinaharangan umano ni Saquilayan na sakay nuon sa kaniyang sasakyan ang driveway kung saan nasa likuran nito si Norial na nais dumaan.

Sa ngayon, ayon kay Rodriguez hinihintay na lamang nila ang resolution mula sa prosecutor hinggil sa nasabing kaso.

Hanggang sa ngayon hindi pa nakapag-piyansa si Mary Florence Norial,26-anyos.

Samantala, bumuo naman ng board of inquiry ang Taguig Police para imbestigahan ang insidente na posibleng may paglabag din sa panig ng Ususan police kaugnay sa pag aresto kay Norial.


“Meron kaming board of inquiry na binubuo upang tutukan nga ang kaso, tinitignan natin kung meron bang infraction na na-commit ang ating kapulisan dito. Hindi naman natin kinukunsinti ano ba ang pagkakamali ng ating kapulisan,” pahayag ni Rodriguez.