Nakatakdang makatanggap ng tig P1,000.00 ang mahigit 900,000 mga government teachers sa buong bansa.
Ayon kay Quezon City Rep. Marvin Rillo ang P925-million pesos na pondo para sa World Teachers’ Day Incentive Benefit ay nakapaloob sa pambansang pondo ngayong taon.
Siniguro ni Rillo sa mga guro na ang taunang pondo para sa nabanggit na benepisyo ay patuloy na isusulong ng Mababang Kapulungan.
Sinabi ni Rillo na ang Republic Act No. 10743 na nagdedeklara sa ikalima ng Oktubre kada taon ay World Teachers’ Day ay pagkilala sa mga nasa teaching profession.
Ang tema ngayong taon ng UNESCO para sa World Teachers’ Day ay “The transformation of education begins with teachers.”
Dagdag pa ni Rillo, mismong ang UNESCO ang nagtakda sa Oct. 5 ng bawat taon bilang World Teachers’ Day upang ipagdiwang ang mahalagang papel ng mga guro sa paggabay sa mga kabataan sa pamamagitan ng edukasyon.
Samantala, pinuri at sinaluduhan naman ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang mga guro na patuloy na nagsasakripisyo matupad lamang ang kanilang mandato.
Kaya patuloy na isusulong ni Castro ang pagtaas ng suweldo ng mga guro na gawin itong P50,000 kada buwan.