-- Advertisements --

Nais ngayon ni Negros Oriental Gov. Roel Degamo na magkaroon ng 4 na lalawigan sa pagbuo ng Negros Island Region (NIR) upang magkakaroon ng pantay na katayuan at representasyon sa Regional Development Council (RDC).

Sa kasalukuyan kasi ay mayroong 7 congressmen at 11 lungsod ang Negros Occidental na bumubotong miyembro ng RDC habang ang Negros Oriental ay mayroon lamang 3 congressmen at 6 na lungsod.

Ginawa ni Degamo ang pahayag sa pagpupulong nito kay Negros Occidental Gov. Eugenio Jose Lacson sa Dumaguete City upang talakayin ang mungkahing paglikha ng NIR, na kinabibilangan ng dalawang probinsya ng Negros at Siquijor.

Mungkahi pa ng gobernador na lumikha ng ika-4 na lalawigan na binubuo ng munisipalidad ng Vallehermoso sa Negros Oriental, San Carlos City pababa sa Escalante sa Negros Occidental o higit pa.

Matatandaang una nang naninindigan si Degamo laban sa NIR dahil sa culture differences at language barrier sa pagitan ng Ilonggo at Cebuano na NegOrenses.

Sa panig naman ni Lacson, iginagalang nito ang posisyon ni Degamo at pagtitiyak pa nito na magiging patas ang Negros Occidental sa lahat ng mga lalawigan sa ilalim ng bagong rehiyon sakaling maisakatuparan ito.