Nagbanta si Sen. Richard Gordon na isisiwalat ang pangalan ng sinumang magtatangkang manuhol sa Senado kapalit ng trono ng Senate President.

Ito’y kasunod ng umuugong na isyu ng vote buying sa Kamara dahil din sa agawan ng ilang kongresista sa posisyon ng House Speaker para sa 18th Congress.

Kamakailan nang maging matunog ang pangalan ni re-elected Sen. Cynthia Villar na tatapat umano kay Senate Pres. Tito Sotto dahil sa matinding lobbying na ginagawa raw ng mga kaalyado nitong bagong halal na senador.

Agad namang tumugon dito ang mga nakaupo pang mambabatas sa pangunguna ni Sen. Panfilo Lacson na umaming nagbalangkas ng resolusyon na humihikayat sa mga kapwa senador na suportahan si Sotto.

Sa kabila nito, tiwala raw si Gordon na hindi masisilaw sa salapi ang kanyang mga kasamahan, gayundin na mananatiling lider si Sotto ng mataas na kapulungan ng Kongreso.