Tinuligsa ng North Korea ang plano ni US President Donald Trump na magkaroon ng Golden dome missile shield na naglalayong ma-weaponize ang kalawakan.
Kaugnay nito, nag-isyu ang Foreign Ministry ng NoKor ng isang memorandum kung saan tinawag nito ang sistema bilang napakadelikadong inisyatibo na naglalayong magbanta sa estratehikong seguridad ng mga nuclear weapons states.
Inakusahan din ng NoKor ang US ng pagiging desperado na ma-militarize ang outer space.
Dagdag pa nito na ang plano ng US na magtayo ng bagong missile defense system ay ang puno’t dulo umano ng pag-usbong ng pandaigdigang nuclear at space arms race sa pamamagitan ng pagbuhay ng security concerns sa mga nuclear weapon states at gawing isang potensiyal na nuclear war field ang outer space.
Maliban sa NoKor, nagpahayag din ng mariing pagtutol ang China sa plano ng Amerika at inakusahan ng pagsira sa global stability.
Nauna na ngang inanunsiyo ni Trump ang mga bagong detalye at inisyal na pagpopondo para sa missile shield system noong nakalipas na linggo at sinabing napakahalaga nito para sa tagumpay at survival ng kanilang bansa.