-- Advertisements --

VIGAN CITY – Ikinuwento ng ama ng isa sa mga gold medalist ng Team Philippines sa larangan ng triathlon na malaki umano ang naitulong ng nasabing laro sa kaniyang anak upang makita ang ina at kapatid nito.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Ramsey Chicano na ama ni John “Rambo” Chicano na tatlong taong gulang lamang ito nang umalis ang kaniyang ina kasama ang bagong panganak na bunsong kapatid nito kaya hinangad nito na makita o makilala sila.

Taong 2007 umano ng mabuntis ni Rambo ang kaniyang nobya kaya kinailangan niyang maghanap ng trabaho at ipagpaliban muna ang pag-aaral hanggang sa ipinasok ni Ramsey ang kaniyang anak sa bike shop ni coach Melvyn Fausto ng national triathlon team bilang isang janitor.

Nakitaan umano ni coach Melvin si Rambo ng potensiyal sa larangan ng cycling dahil bata pa lamang ay talagang mahilig na itong magbisikleta kaya tinulungan niya ito hanggang sa ipinasok na rin sa training bilang isang triathlete.

Nang makapasok sa national team si Rambo, unti-unti itong nakilala hanggang sa magkaroon ito ng komunikasyon sa kaniyang bunsong kapatid at sa kaniyang ina na nasa ibang bansa.

Sa ngayon, nagpapasalamat si Ramsey sa lahat ng sumuporta sa kaniyang anak na mula sa pagiging janitor ay isa nang gold medalist sa SEA Games.