-- Advertisements --

Dapat na paigtingin pa ng pamahalaan ang mga ginagawang hakbang para protektahan at gamitin ang mayamang karagatan ng Philippine Rise para mapataas ang produksiyon ng mga isda sa bansa.

Ito ang inihayag ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) kasunod ng namataang research vessels ng China sa lugar.

Sinabi ng grupo na nagiging vulnerable ang PH Rise sa pagsasamantala at paggiging ganid ng mga dayuhan dahil sa patuloy na pagkabigo ng gobyerno na ipreserba at i-maximize ang likas na yaman sa naturang karagatan.

Binigyang diin pa ng PAMALAKAYA na malaki ang naiaambag ng PH Rise sa mga lokal na mangingisda sa kabila ng layo nito sa mainland Luzon.

Marami umanong magagandang klase ng mga isda na nahuhuli ang mga mamalakaya sa mga probinsiya ng Aurora, Isabela, Cagayan, Quezon at Bicol mula sa PH Rise kayat malaking bahagi umano ng populasyon maging ng mga mangingisda ang paniguradong makikinabang kapag naprotektaha ang PH Rise.

Ang PH Rise ay matatagpuan sa east coast ng PH at sinasabing mayaman sa mga iba’t ibang uri ng isda, minerals at naturang gas. Ito ay may lawak na 13 million ektarya na parte ng exclusive economic zone at extended continental shelf ng PH.

Matatandaan na noong nakalipas na linggo lamang, nag-deploy ang Philippine Coast Guard ng patrol vessel sa PH Rise matapos mamataan ang 2 Chinese research vessel na umaaligid sa northeast ng PH Rise.