Hindi kailanman aabandonahin ng gobyerno ng Pilipinas ang Ayungin shoal na nasa loob ng exclusive economic zone ng bansa.
Ito ang binigyang diin ni National Security spokesperson Jonathan Malaya kasunod ng insidente ng pagharang at pambobomba ng tubig ng China Coast Guard sa barko ng Pilipinas habang nasa resupply mission sa military troops ng Pilipinas na naka-istasyon sa BRP Sierra Madre sa may Ayungin shoal.
Ang BRP Sierra Madre ay ipwinesto ng Philippine Navy sa may Ayungin shoal upang magsilbing outposts ng bansa sa West Philippine Sea.
Inihayag pa ni Malaya na gagawin nila ang lahat ng kinakailangan para maibigay ang mga suplay para sa mga tropa ng Pilipinas na naka-istasyon sa naturang barko.
Nitong Lunes, matapos ang insidente, sinabihan umano ng China na tanggalin ng Pilipinas ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin shoal.
Bilang tugon, pinatawag naman ng Pilipinas si Chinese Ambassador to the PH Huang Xilian at nag-isyu ng note verbale bilang protesta sa iligal na aksiyon ng China.
Bunsod nito umaabot na sa 35 ang kabuuang diplomatic protest na inihain ng gobyerno ng Pilipinas ngayong taon laban sa panghaharass at mga aktibidad ng China sa WPS.