-- Advertisements --

Nasa tamang direksiyon ang Marcos administration sa patuloy na paghahain ng official protests laban sa mga panghihimasok at pang-haharass ng China sa West PH Sea bilang pagpapakita sa buong mundo ng determinasyon ng bansa para depensahan ang ating soberaniya ayon kay House Deputy Majority Leader Neptali Gonzales II.

Saad pa ni Gonzales, na tumatayong chairman ng House special committee on West Philippine Sea concerns, na kailangang ipakita ng PH sa mundo na hindi tayo aatras sa ating claim. Ang pagiging tahimik aniya sa naturang usapin, halimbawa na lamang ay magbubunsod sa ibang bansa na sumusuporta sa atin na mawalan ng interes sakaling tayo mismo ay hindi magpakita ng anumang interes.

Sinabi din ng mambabatas na hindi matitinag ang bansa sa pagpoprotesta sa mga hayagang paglabag ng China sa international law.

Inihayag din ni Cong. Gonzales na patuloy na gumagawa ang China ng mga provocative action sa katubigan ng Pilipinas at patuloy na binabalewala ang pagkondena ng international community.

Iniisip din aniya marahil ng iba na walang nangyayari sa diplomatic protest ng PH laban sa China dahil sa katunayan, sa ngayon ay wala pang aksiyon na ginagawa bilang tugon sa diplomatic protests na inihain ng pamahalaan.