Naghahanda na ngayon ang gobyerno ng assistance program para duon sa mga retailer na maapektuhan sa inilabas na Executive Order 39 o ang price cap sa bigas.
Sa kasalukuyan, pinag-uusapan na ng DILG, Department of Agriculture at Department of Trade and Industry kung papano matutulungan ang mga retailer na apektado ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na magpatupad ng price ceiling sa bigas.
Aminado si Trade Secretary Alfredo Pascual na tiyak may mga retailer na tinamaan ng kautusang ito ng pangulo.
Ayon kay Pascual mayroon kasing mga negosyante o retailer na nakabili na ng bigas sa mataas na presyo at mahirap itong ibaba sa palengke at ibenta lamang sa itinakdang price cap na P41.00 kada kilo sa regular milled rice at P45.00 kada kilo sa well milled rice.
Sa ngayon hindi pa inihayag ng Kalihim kung ano ang paraan ang kanilang gagawin at papano matutugunan ang usaping ito.
Ang nasabing kautusan ng Chief Executive ay magiging epektibomatapos itong mailathala na sa official gazzette.
Sa inilabas na Executive Order 39 ni Pangulong Marcos, inaatasan nito ang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan na pag aralan kung papano matutulungan ang mga retailer na maapektuhan ng price cap policy.