Target daw ngayon ng pamahalaan na magsagawa ng isa pang round ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) special vaccination sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Dr. Myrna Cabotaje, uumpisahan daw ito sa Abril 21 at 22 sa Negros Oriental at Negros Occidenta.
Isusunod naman dito ang Region 12 sa Abril 25, 26 at 27 dahil mababa raw ang vaccination rate sa naturang rehiyon.
Samantala, ang special vaccination days naman sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at iba pang lugar gaya ng Palawan at Mimaropa at Bicol Regions ay magsasagawa naman ng bakunahan sa buwan na ng Mayo.
Samantala, aminado naman ang NVOC na hindi na nila maabot ang kanilang target na 90 milyong Pinoy na mababakunahan sa pagtatapos ng termino ng Pangulong Rodrigo Duterte sa June 30.
Sinabi ng doktora na masaya na raw ang mga ito kung maabot nila ang 77 million sa buwan ng Hunyo.
Aniya, nasa 66.8 million na raw ang nabakunahan at target nilang makapagbakuna pa ng 10 million hanggang May at June.
Kung maalala, nagsagawa ng special vaccination dayas ang Department of Health (DoH) sa Cebu province, Davao region at Cotabato City noong Marso 29 hanggang 31 at sa BARMM naman mula Marso 30 hanggang Abril 1.