-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Hinamon ng City Mayor Nose Marie Diaz ng Ilagan City si General Manager Dave Solomon Siquian ng ISELCO II na bumaba na sa pwesto dahil sa mga kontrobersiya na kinakaharap ng kanilang kooperatiba.

Inihayag ito ng Alkalde sa naganap na regular flag raising ceremony ngayong araw ng Lunes ng mga kawani ng pamahalaang Lunsod.

Ayon kay City Mayor Diaz, ang ginawang hakbang ng LGU ay para makapagbigay ng mobility sa mga member consumer sa Ilagan City nang makaboto sa audit committee na nagresulta ng pagkaka-null and void ng eleksyon dahil sa kawalan ng Quorum.

Hinamon ng alkalde ang ISELCO II na gawin Ang eleksyon sa Ilagan o ang special AGMA upang makuha sapat na bilang ng mga botante para matuloy ang eleksiyon .

Ayon sa Alkalde marapat na harapin umano ng kooperatiba at dapat magbitiw na lamang sa puwesto si General Manager Dave Solomon Siquian ng ISELCO II.

Samantala, nanawagan ang Isabela Consumers Watch Incorporated sa Provincial Government ng Isabela na tutukan at talakayan sa isasagawang pagsisiyasat sa power rate na ipinapatupad ng ISELCO 2.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Raffy Jacinto, Presidente ng Isabela Consumers Watch Inc. sinabi niya na una nang inihayag ni Governor Rodito Albano ang pagsisisyasat sa isyu may kaugnayan sa ipinapatupad na power rate ng ISELCO 2 na halos pumalo na sa Php14.00 per kilowatt habang ang ISELCO 1 ay nasa pHP12.00 per kilowatt lamang.

Aniya mahalagang masilip ito dahil sa masyado nang mahal ang binabayaran ng mga member consumer sa kanilang kinukunsumong kuryente dahil sa mataas na rate ng ISELCO 2.

Kung tututusin aniya ay may ilang pamamaraan naman na maaaring gawin tulad ng pag-angkat ng tustos ng kuryente mula sa Aboitiz.

Nilinaw rin niya na wala siyang intensiyong guluhin ang ginanap na Annual General Membership Assembly ( AGMA) noong araw ng linggo.

Iginiit niya na lumapit siya sa entablado para lamang humingi ng mikropono subalit hindi umano siya napagbigyan.

Mungkahi rin niya sa pamunuan ng ISELCO 2 na bago magsagawa ng anumang aktibidad ay bigyang prayoridad na magtawag ng mga consumer member at pakinggan ang kanilang mga suwestiyon.