-- Advertisements --

Idineklara sa isang report ng United Nations ang “global state of water bankruptcy.”

Base sa report ng UN research institute, ang mundo ay pumapasok na sa isang panahon ng pandaigdigang pagkawala ng tubig kung saan ang mga ilog, lawa at aquifers o nakaimbak na tubig sa ilalim ng lupa ay nauubos nang mas mabilis kesa sa kapasidad ng kalikasan na palitan ang mga ito.

Tinukoy sa pag-aaral ang ilang dekada ng labis na paggamit ng tubig, polusyon, mga pinsala sa kalikasan at climate pressure na nagbunsod ng paglagpas na sa point of recovery ng maraming water systems.

Sa bagong ulat mula sa UN University Institute for Water, Environment and Health, hindi na aniya sapat na ilarawan lamang bilang water stress at water crisis ang mga bagong reyalidad sa isyu ng tubig sa buong mundo.

Nakasaad din sa report na malaking proportion ng wetlands ang nawala sa mundo na nasa tinatayang 410 million ektarya o halos kasinglaki ng European Union, na nawala sa nakalipas na limang dekada.

Isa pang sinyales ng water bankruptcy ay ang pagkaubos ng tubig sa ilalim ng lupa, kung saan nasa 70 porsyento ng pangunahing aquifers na ginagamit para sa inuming tubig at irigasyon ay bumaba .

Nakadagdag din sa problema ang climate change na nagresulta sa pagkawala ng mahigit 30 porsyento ng dambuhalang tipak ng mga yelo simula noong 1970 at ng seasonal meltwater kung saan nakadepende ang daan-daang milyong tao.

Samantala, bagamat welcome para sa ilang syentista ang pagtutuon ng atensiyon sa isyu sa tubig, nagbabala ang mga ito na maaaring mabalewala ang ginagawang progreso sa mga lokal na lebel bunsod ng naturang deklarasyon ng global water bankruptcy.