ROXAS CITY – Patay ang isang ginang matapos sumalpok ang sinasakyan nitong motorsiklo sa sinusundang motorsiklo sa Brgy. Sta. Fe, Pilar, Capiz.

Kinilala ang biktima kay Cherry Morines, 45, residente ng Barangay Casanayan ng nasabi ring bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay P/Cpt. Alfred De Leon, chief of police ng Pilar Municipal Police Station, inihayag nito na mula sa bayan ng Balasan, Iloilo ang biktima at nakaangkas sa motorsiklo na minamaneho ni Emilio Villanueva, residente ng Barangay Casanayan, Pilar.

Habang tinatahak ang naturang lugar ay bigla lamang umanong lumiko ang nasa unahang motorsiklo na minamaneho ni Richie Morales ng Barangay San Ramon, Pilar upang kunin ang nahulog nitong panyo kung kaya’t nabangga ito ng motorsiklo na minamaneho ni Villanueva.

Dahil sa pagkakabangga ay tumilapon sa daan si Morines at humampas ang ulo nito sa semento.

Dinala pa sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.