-- Advertisements --

Magiging abala ngayon ang Gilas Pilipinas dahil pagkatapos ng kanilang pagsabak sa Asian Games ay paghahandaan nila ang FIBA Asia Cup 2025 qualifiers.

Nasa Group B ang Pilipinas na kasama nila ang New Zealand, Chinese Taipei at Hong Kong sa qualifiers.

Nasa Group A ang Australia, Thailand, Korea at Indonesia habang Group C ang China, Guam, Japan at Mongolia.

Sa Group D naman ay binubuo ng Iraq, Jordan, Palestine at Saudi Arabia ang Group E naman ay binubuo ng Iran, Kazakhstan, India at Qatar at ang huli ay Group F na binubuo ng Bahrain, Syria, Lebanon at United Arab Emirates.

Magkakaroon ng tatlong petsa ang qualifiers na una ay sa Pebrero 2024, Nobyembre 2024 at Pebrero 2025 sa home and away format.

Target ng Gilas na matapos sa top 2 sa Group B matapos ang anim na laro para makasama ang lima pang ibang grupo at direkta na silang makapasok sa FIBA Asia Cup 2025.

Habang ang anim na third-placers sa bawat group ay maglalaro sa final qualifying tournament kasama ang nangungunang apat na koponan.

Nais ng Gilas na malampasan ang kanilang performance noong 2022 kung saan nagtapos lamang sila sa pang-siyam sa laro ng ginanap sa Jakarta at ang nagkampeon dito ay ang Australia.