-- Advertisements --

Pasok na sa semifinals ng 2025 EuroBasket ang Team Germany at Team Finland , kasunod ng matagumpay na kampaniya ng dalawang team sa quarterfinals.

Tinalo ng Germany ang Slovenia sa QF sa kabila ng 39 points ni Luka Doncic, 99-91.

Pinangunahan ni Orlando Magic guard Franz Wagner ang German team at ipinasok ang 23 points habang 20 points at pitong assist naman ang ambag ng team captain na si Dennis Schröder.

Sa kabilang banda, tinambakan ng Finland ang Georgia sa tapatan ng dalawa sa quarterfinals, 93-79.

Nanguna sa panalo ng Finnish team si Utah Jazz forward Lauri Markkanen na gumawa ng 17 points at anim na rebounds habang 19 points naman ang kontribusyon ng forward na si Mikael Jantunen.

Naging malaking bentahe ng Finland ang 44 points na ipinasok ng bench nito, habang tanging apat na puntos ang kasagutan ng Georgia.

Umabot sa 20 points ang pinakamalking kalamangan ng Finland ngunit tuluyan itong bumaba sa anim na puntos, walong minuto bago tuluyang matapos ang laban, sa tulong ng clutch points ni Toronto Raptors forward Sandro Mamukelashvili.

Gayunpaman, bumari ang Finnish team sa mga nalalabing minuto at ipinoste ang 14-point win sa pagtatapos ng laban, 93-79.

Ang dalawang bigating koponan ang nakatakdang maglaban sa semis sa nagpapatuloy na EuroBasket, isa sa pinakamalaking basketball tournament sa Europe.