CAUAYAN CITY- Ipinanawagan ng Isabela Consumer Watch Incorporated ang pagbibitiw sa puwesto ng mga opisyal ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) II pangunahin na si General Manager David Solomon Siquian na idinawit sa pagpaslang kay Internal Audit Manager Agnes Palce.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Raffy Jacinto, presidente ng Isabela Consumer Watch Inc. na dahil ilang araw nang hindi pumapasok sa kanyang trabaho si Siquian ay hiniling nila sa National Electrification Administration (NEA) i-take over muna ang ISELCO II upang hindi maantala ang operasyon ng kooperatiba.
Karamihan din aniya ng mga Board of Directors ng ISELCO II ay expired na ang termino at hindi pa nagpapatawag ng eleksyon kaya nararapat lamang na magbitiw na sila sa puwesto.
Naniniwala si Ginoong Jacinto na may corruption na nagaganap sa ISELCO II na natuklasan si Palce na naging dahilan para siya ay ipapatay.
Magugunitang sinampahan na ng kasong murder ang gunman na si Barry Bulan at pinsan na si Jervy Bulan kapwa residente ng Calamagui 1st, City of Ilagan at idinawit sa krimen sina Siquian at Board of Director Michael Paguirigan.
Matapos madawit sa krimen ay nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili si Paguirigan.