Base na rin daw sa rekomendasyon ng Board of Inquiry ng 10th Infantry Division, ipinag-utos ni Philippine Army Chief Lieutenant General Romeo Brawner Jr. ang pagbuo ng General Court-Martial na lilitis kay Brigadier General Jesus Durante.
Ang Board of Inquiry ng 10th Infantry Division ay ang nagsagawa ng inisyal na imbestigasyon sa kaso ng pagpatay sa modelo at negosyanteng si Yvonnette Chua Plaza sa Davao City noong December 30, 2022.
Nadawit sa naturang kaso si Brig. Gen. Durante at ilan pa niyang mga tauhan.
Nilinaw naman ni Brawner na ang rekomendasyon ng Board of Inquiry na isinumite sa kanya ay kailangan pang pag-aralan ng Judge Advocate General, bago niya aprubahan.
Paliwanag ni Brawner, ang pagbuo ng mga magiging miyembro ng General Court-Martial ay bilang paghahanda lang kung tuluyang lilitisin si Durante sa ilalim ng military justice system.
Sa ngayon aniya ay nasa pre-trial investigation stage pa lang at wala pang kasong isinampa ang militar kay Durante at iba pang mga sundalong umano’y sangkot sa krimen.