Tatlong araw matapos ang Top 20 finish sa 2019 Miss Universe, mananatili pa rin muna sa Amerika ang Cebuana-Palestinian beauty na si Gazini Ganados.
Batay sa impormasyon, ito’y para doon na ipagdiwang ang Pasko sa December 25 at kinabukasan naman ang kanyang 24th birthday kasama ang kanyang pamilya at mga kamag-anak na nakabase sa Amerika.
Una nang inihayag ng tubong Zamboanga beauty queen na puwede pa ring ipagdiwang ang pagtatapos niya sa Top 20 ng 68th Miss Universe coronation lalo 90 candidates ang nagpatalbugan pero ang South Africa ang nangibabaw.
“To all the Filipinos out there, maraming, maraming salamat po, and I hope that I made you proud as I did my best in the international arena. It was nerve-wracking but it was fulfilling at the same time,” dagdag nito sa ABS-CBN.
Nabatid na ang Top 20 finish ni Ganados ang pumutol sa 9-year streak ng Pilipinas na consistent bilang Top 10 candidate.
Nagsimula ito noong 2010 sa pamamagitan ni Venus Raj kung saan nag-trending pa ang bahagi ng kanyang “major major” statement sa question and answer portion.
Samantala, nilinaw ni Shweta Sekhon na tanggap niya ang resulta ng best in national costume award kung saan “wow mali” lang ang pagrampa niya sa Miss Universe stage dahil si Gazini ang tunay na nagwagi.
Katunayan ay binati pa ng Miss Malaysia si Gazini sabay giit na lahat silang mga kandidata ay panalo na sa iba’t ibang aspeto.
“Congratulations to the very beautiful (Gazini Ganados),” saad nito habang naka-tag pa ang Instagram account ng Miss Philippines.
“I am totally fine with it (mix-up) because in my eyes, every girl that came to compete is a winner! Philippines or Malaysia, there isn’t any difference because we are one.”
Kung maaalala, agaw-pansin din ang costume ng Malaysia kung saan inirampa nito ang 28kg “Peranakan-art piece” na may malaking tray sa gilid ng tanyag sa kanila na rice balls dessert.
Gayunman, ang naka-flash sa big screen ay ang pangalan ni Gazini na wagi sa kanyang eagle-inspired sa headpiece at may dalawang ibon sa sleeves ng costume.
Unang naging kontrobersyal si Steve Harvey noong 2015 matapos ianunsyo bilang Miss Universe ang Colombia, gayong si Pia Wurtbach pala ang totoong panalo.
“See, what’s that they did to me the last time,” saad ni Harvey.
Gayunman, wala pa itong reaksyon kasunod ng paglilinaw ng MUO.