Nanawagan si Senate Committee on Energy chairman Sen. Sherwin Gatchalian sa National Electrification Administration (NEA) na gamitin ang Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF) para maibalik ang kuryente sa mga lugar na nasalanta ng nagdaang bagyong Tisoy.

Sa ilalim daw kasi ng naturang pondo, halos 2-milyong pamilya na naapektuhan ng bagyo ang makikinabang at magkakaroon ng muli ng kuryente bago ang Pasko.

Batay sa report ng NEA noong December 5, nasa 1.8-milyong kabahayan mula sa higit 300 munisipalidad ng 17 probinsya ang sinalanta ng bagyo.

May 50 local electric cooperatives din na naapektuhan, kung saan anim ang pinaka-nasalanta.

Kabilang dito ang:

-Northern Samar Electric Cooperative, Inc. (Norsamelco)
-Sorsogon Electric Cooperative I (Soreco I)
-Albay Electric Cooperative, Inc. (Aleco)
-Camarines Sur III Electric Cooperative (Casureco III)
-Oriental Mindoro Electric Cooperative (Ormeco)
-Occidental Mindoro Electric Cooperative (Omeco)

Nasa P750-milyon ang nakalaang ECERF para sa taong 2019 na manggagaling sa National Disaster Risk Reduction and Management.

“We will continue to monitor the restoration of the power supply in affected provinces so as to ensure the rapid recovery of our countrymen from this natural calamity,” ani Gatchalian.

Noong 2018 nang isabatas ang Republic Act 11039 na naglalayong bigyan ng agarang financial assistance ang mga electric cooperatives na naapektuhan tuwing masama ang panahon.