-- Advertisements --

Aabot na sa halos kalahating bilyon ang gastos ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa ayudang ibinibigay sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na apektado ng lockdown magmula noong Marso, 2020.

Sa virtual hearing ng House Committee on Overseas Workers Affairs, sinabi ni OWWA administrator Hans Leo Cacdac na aabot na sa P497.392 billion ang kanilang nagagastos sa mga repatriated OFWs hanggang noong Mayo 16, 2020.

Sa naturang halaga, sinabi ni Cacdac na P407.9 billion ang kanilang ibinayad para sa hotel accommodation ng mga repatriated OFWs.

Aabot naman sa P78.5 million ang nagagamit na ng OWWA para sa pagkain ng mga apektadong OFWS at P10.8 million naman para sa transportation ng mga ito.

Ayon kay Cacdac, 35,133 OFWs na ang kanilang natutulungan hanggang noong Mayo 19, 2020.

Sa naturang bilang, 10,127 ang nabigyan ng libreng transportasyon sa ilalim ng Hatid-Sundo program matapos na suspendihin ang public transportation noong Marso.

Pumalo naman sa 12,588 ang benepisyaryo ng OFW Kalinga program; 7,123 sa Tulong Marino program; at 5,295 OFWs ang napahatiran ng tulong sa mga OFWs na stranded sa mga rehiyon.