Inirekomenda umano ni Iloilo Representative Janette Garin kay Batangas Representative Leandro Leviste ang paghahain na lamang ng kaso laban sa mga inaakusahang personalidad tulad nina Executive Secretary Ralph Recto at CWS Partylist Rep. Edwin Gardiola.
Ginawa ni Garin ang pahayag ilang araw matapos ang mga akusasyon ni Leviste kay Recto at ilang mga kapwa mambabatas habang nasa kasagsagan ng plenary session ang Kamara.
Ayon kay Garin, nang mabigyan siya ng pagkakataon upang kausapin si Leviste, pinayuhan na lamang umano niya ang bagitong mambabatas na dalhin sa korte ang kaniyang akusasyon sa halip na sa Kamara.
Pinayuhan din umano niya si Leviste na sa halip na ‘manggalaiti’ sa loob ng plenaryo ay ituloy na lamang niya sa lokal na korte ang kaniyang akusasyon, lalo na kung may hawak siyang sapat na ebidensiya.
Hindi aniya akma na basta na lamang inaakusahan ni Leviste ang kaniyang mga kapwa public servant nang walang pananagutan.
Samantala, sinabi rin ni Garin na maaring maging basehan ng isang ethics complaint ang naging pag-uugali ni Leviste kasunod ng kanyang privilege speech.
Pinuna ng Iloilo lawmaker ang aniya’y kakulangan ni Leviste ng pasensiya, lalo’t isa siyang “batang pulitiko, masyadong maraming pera, at privileged ang kaniyang buhay.”
















