GENERAL SANTOS CITY – Pinangangambahan na may positibo sa Coronavirus Disease (COVID) sa 18 Badjao na sikreto umanong ipinahatid ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) Koronadal dito sa lungsod.
Ito’y matapos mahuli ng pulisya ang isang garbage truck ng Koronadal-local government unit (LGU) na nagpababa sa 18 Badjao sa crossing Makar ng Lungsod ng Heneral Santos.
Ayon kay Police Major Patrick Elma ng Makar Police station, naaktuhan na pinababa ng truck driver ang nasabing mga katutubo at walang naipakitang ano mang papeles ang nang hinanapan ito.
Hawak na ng mga otoridad ang driver na nagngangalang Romneck Valencia na residente ng Koronadal City.
Pumayag naman umano ang driver na pirmahan ang affidavit na nagsasabing inutusan lamang siya ng DSWD-Koronadal na ihatid sa General Santos ang mga Badjao at kaagad nitong lisanin ang lugar.
Nilabag ng truck driver ang strict border control dahil pumasok na walang koordinasyon sa LGU-GenSan.
Nabatid na ang Koronadal City ang nangunguna sa may pinamaraming COVID positive sa South Cotabato.