-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Pinagpaplanuhan na ng mga opisyal at environmental advocacy groups na magsampa ng reklamo sa United Nations (UN) laban sa South Korean government.

Ito’y may kaugnayan sa iniwang pinsala sa kapaligiran dahil sa mga itinapong basura ng Verde Soko Philippines Industrial Corp. sa Tagoloan, Misamis Oriental.

Ayon sa Bureau of Customs district collector na si John Simon, makikipag-ugnayan sila sa Department of Environment and Natural Resources at iba pang grupo upang matukoy ang saklaw ng pagkasira ng kalikasan na dulot ng pagtapon ng basurahan sa isang pasilidad ng Phividec Industrial Estate sa Sityo Buguac, Barangay Sta. Cruz, bayan ng Tagoloan, mula noong 2018.

Aniya, hindi sila titigil hangga’t maparusahan ang mga salarin na sina South Koreans Cho Chul-soo (kilala rin bilang Charles Cho), Cho Jae-ryang, at Na Sena.

Kakasuhan nila ang South Korea dahil sa kanilang bansa nagmula ang mga waste materials.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990, Customs Modernization at Tariff Act ang tatlong opisyal ng Verde Soko.

Kung maaalala, umabot sa 6,500 metriko toneladang mga basurang plastik ang naitapon sa Misamis Oriental mula taong 2018.