-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa paggamit ng “off-labeled” drugs na nakakagaling umano sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa virtual presser ng DOH sinabi ni Usec. Maria Rosario Vergeire na wala pang scientific basis ang kumakalat na impormasyong kinokontra ng nasabing gamot ang sakit.

Paliwanag ng opisyal, kaya tinawag na “off-labeled” drugs ang gamot ay dahil para ito sa ibang karamdaman.

“Mayroon na tayong inilabas na guidelines at advisory na sinasabi sa ating kababayan, lalo na sa medical community, na itong off-label drug na ito ay wala pa tayong approval ng DOH para gamitin.”

“Ito ay masusing pinag-aaralan, kasama ng ating mga espesyalista sa infectious diseases at pharmeceuticals, at experts group ng DOH.”

“Kung may mga gumagamit, magingat, lalong lalo na yung kababayan na nakakarinig nito, na akala nila bibili lang sila sa mga retail outlets katulad ng botika at maari ng gamitin. Tandaan ninyo, ang mga gamot na ito ay may side effects din.”

Nitong nakalipas na linggo nang sabihin ni US Pres. Donald Trump na nagpamalas ng magandang resulta ang drugs na “chloroquine” at “hydroxychloroquine” bilang gamot sa COVID-19.

Pero itinanggi ng Food and Drug Administration ng Estados Unidos ang pahayag ng presidente dahil ang nabanggit na brand ng gamot ay para sa malaria, lupus at rheumatoid arthritis.

Hindi pa raw ito aprubado ng kanilang mga eksperto.

Tiniyak naman ng DOH na agad silang maglalabas ng anunsyo kung may magiging developments sa paghahanap ng gamot sa pandemic virus.