Pormal nang sinimulan ni Lt. Gen. Archie Gamboa ang kanyang tungkulin bilang napiling officer in charge ng Philippine National Police (PNP).

Nitong araw nang pamunuan ni Gamboa ang command conference na dinaluhan ng mga miyembro ng command group at top officials ng pambansang pulisya.

Sa kanyang statement, sinabi ng opisyal na ipagpapatuloy niya ang mga programa na nasimulan ng ipatupad ng ahensya, tulad ng war on drugs campaign.

“This is a transition but we should not be remiss of our job,” pahayag ni Gamboa.

Kabilang sa mga dating tungkulin ni Gamboa ang chairmanship ng PNP Oversight Committee para sa Internal Cleansing Program na siyang tumutugis sa mga pasaway na pulis sa panahon ni Gen. Oscar Albayalde.

Tiniyak naman ni Gamboa na gagawin nila ang lahat maibalik ang credibility ng PNP matapos madawit si Albayalde sa issue ng ninja cops.

Sa kabila ng pagkaka-kaladkad sa isyu ng recycling of Illegal Drugs, sinabi naman ni PNP spokesman police B/Gen. Bernard Banac na mataas pa rin ang paggalang ng buong puwersa ng pulisya kay Albayalde dahil sa naging sakripisyo nito para sa kanilang hanay, huwag lang itong madamay sa kontrobersiyang kaniyang kinahaharap.

Hindi pa rin maitatanggi ani Banac ang mga nagawa ni Albayalde sa organisasyon dahil sa mga repormang ipinatupad nito maging sa magandang record ng PNP sa pagsugpo sa krimen at ang matagumpay na pagdaraos ng eleksyon nuong buwan ng Mayo.