-- Advertisements --

Walang nakikitang “backlog” si National Task Force COVID-19 Response Chief Implementor Carlito Galvez sa pag-uulat ng bilang ng mga pumanaw ng dahil coronavirus disease (COVID-19).

Sa isang panayam, sinabi ni Galvez na “real time” ang report na isinumite ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kung saan nakapaloob ang datos sa bilang ng mga nasawi sa COVID-10 at cremated na labi.

“Nakalagay po talaga doon ‘yung number of deaths and number of cremated so nakita ko walang backlog eh. Talagang real-time yung report,” ani Galvez.

Subalit inamin naman nito na mayroong “gray area” lalo na sa patients under investigation na sumakabilang buhay na hindi man lang natatanggap ang resulta ng kanilang COVID-19 tests lalo na sa mga malalayong lugar.

Mababatid na hanggang kahapon, Abril 20, pumalo sa 6,459 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, habang 428 naman ang mga pumanaw ng dahil dito.