Dinepensahan ng abogado ni alyas Bikoy na si Atty. Larry Gadon ang pahayag nito na posibleng ipa-impeach si Vice Pres. Leni Robredo dahil sa mga kaso nito kaugnay ng kontrobersyal na Ang Totoong Narcolist video.
Ayon kay Gadon, hypothetical pa lang ang kanyang pahayag sa pagpapatalsik ng bise presidente dahil wala pang resulta ang imbestigasyon ng Department of Justice sa mga kasong isinamapa ng PNP-CIDG laban sa pangalawang pangulo.
Dagdag pa ng abogado, kahit sino naman daw ay maaaring magpatalsik kay Robredo.
“Hypothetical pa lang. Sabi ko, pagka nandiyan na ‘yung indictment, ‘yung probable cause, pag-iisipan ko pa rin. It doesn’t really rely on that. In fact anybody can now file an impeachment against Vice President Robredo,” ani Gadon.
“It’s a hypothetical question by one of the reporters so I answered it in an academic kind of discussion. Baka sabihin naman nila di ko alam ang gagawin ko kung sakali.”
Nauna ng sinabi ng abogado ng bise na si Atty. Barry Gutierrez, malinaw na pulitika ang motibo ng patung-patong na kasong inihain laban sa bise at iba pang kritiko ng pangulo.
Ito’y matapos lumutang ang posibilidad ng impeachment.
“The lawyer of their principal witness already opened the topic of impeachment. Nakakagulat…because that admission is very revealing kung ano ang agenda nila rito. Hindi pa namin nakukuha ang subpoena at ‘yung kopya ng affidavit, pero kung base sa mga sinabi niya dati, then very clear na walang basis ito, sinungaling ‘yan and this is political harassment.”
Kung maaalala, si Gadon ang unang naghain ng impeachment case noon laban sa napatalsik na Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Gayunpaman, napaalis ito sa pwesto matapos kwesyunin ng Office of the Solicitor General ang appointment ni Sereno sa ilalim ng quo warranto petition.