Inibitahan ng House committee on legislative franchises si ABS-CBN chairman emeritus Eugenio “Gabby” Lopez III para dumalo sa pagdinig sa darating na Miyerkules hinggil sa issue sa prangkisa ng kompanya.
Ito ay matapos na hilingin ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na papuntahin si Lopez sa pagdinig para sagutin ang mga elgasyon hinggil sa kanyang citizenship.
Sa joint hearing ng House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability nitong umaga, sinabi ni Marcoleta na may mga tanong na personal sa kanya na hindi kayang sagutin ng mga abogado ng kompanya.
“The issue of citizenship is not a simple matter. I hope the representatives of ABS-CBN would find in their heart the importance of being able to motivate him or convince him to be present,” ani Marcoleta.
Sinuportahan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang panawagan ni Marcoleta.
Kasunod nang manifestation ni Marcoleta, ipinag-utos ni House Committee on Legislative Franchises chairman Franz Alvarez sa committee secretariat na padalhan ng imbitasyon si Lopez para dumalo ito sa susunod na pagdinig.
Nauna nang kinuwestiyon ni Marcoleta ang citizenship ni Lopez, na aniya’y isang American citizen nang maupo bilang chairman ng kompanya noong 1986.