Tinaasan pa ng Social Security System (SSS) ang maximum amount na babayaran para sa funeral benefits ng mga miyembro nito.
Sa naging pahayag ng SSS, epektibo noong Oktobre-20 ay aprubado na ang P60,000 na Social Security Funeral Benefit Program para sa mga miyembro nito.
Mas mataas ito ng P20,000 kumpara sa P40,000 na dating binabayarang benepisyo ng mga miyembro nito.
Ayon naman kay SSS president at chief executive officer Rolando Macasaet, maaari na itong ma-avail ng mga surviving beneficiaries ng mga nasawing miyembro nito.
Sa ilalim ng bagong guidelines para sa Social Security Funeral Benefit Program, ang mga nasawing miyembro nito na nagawang makapagbayad ng 36 monthly contribution ay maaaring makakuha ng variable amount o magkakaibang halaga mula P20,000 to P60,000.
Ang pagkakaiba ng mga matatanggap na halaga ay nakadepende sa halagang nabayaran ng mga miyembro at kung magkano ang average monthly salary credit na binabayaran ng namatay na miyembro.