Maituturing na malaking hamon para sa mga airline companies lalo na ang local carriers ang procedures na ipinatutupad sa kanilang mga crew sa tuwing may biyahe sa mga bansang may kaso na ng COVID-19.

Sa economic briefing sa Malacañang, sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal na hindi pa maibabalik ang full operational flights ng mga airlines dahil apektado ng quarantine procedures sa kanilang mga crew.

Ayon kay Monreal, obligado ang mga crew na sumailalim sa 14 na araw na quarantine kapag bumiyahe mula o patungo sa mga bansang may naitalang kaso ng persons under investigation (PUIs) o nagpositibo sa COVID-19.
Kaya hindi umano mapagsunud-sunod ang biyahe ng isang kompanya ng eroplano dahil magpapang-abot ang mga crew na matitengga dahil sa quarantine procedures.

Umaasa si Monreal na sa susunod na linggo ay malutas na ang problemang ito ng mga airline companies para sa full-recovery ng kanilang mga biyahe.

Sa ngayon, inihayag ni Monreal na mas malaki ang bilang ng mga mga lumilipad na foreign carriers kumpara sa local carriers.