Sinimulan na ang full implementation sa Metro Manila ng “Oplan Pag-abot” program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na layong matulungan ang mga nasa lansangan at hindi na bumalik pa ang mga ito.
Sa unang araw ng expanded reach out operations ng ahensiya kahapon, kasama si Secretary Rex Gatchalian sa nag-monitor ng standard operating procedure ng programa.
Kung saan kinausap at kinumbinsi mismo ng kalihim ang mga pamilya na nasa lansangan na sumama sa DSWD kung saan bibigyan sila ng livelihood opportunities sa oras na bumalik ang mga ito sa kani-kanilang mga probinsiya.
Ang ilan pa sa mga tulong na ibibigay para sa mga walang tirahan ay relocation aid, support packages, transitory shelter assistance at iba pa.
Ayon pa sa kagawaran, irerehistro sa biometric ang mga pamilya na nasa lansangan at iisyuhan ng kanilang identification cards.
Sinabi naman ni Sec. Gatchalian na papalawigin pa ang naturang programa sa ibang mga probinsiya sa bansa kapag nakitang naging epektibo ang pagpapatupad ng programa sa NCR.