Nilinaw ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na ang Php 80,000 na tulong pinansyal na ibinigay kay Rose, ang babaeng nakita mula sa imburnal sa Makati, ay hindi gantimpala kundi isang uri ng tulong-pangkabuhayan na ibinigay batay sa umiiral na mga panuntunan at pagsusuring isinagawa ng mga social worker ng ahensya.
Sinabi ni Secretary Gatchalian na ang halagang ibinigay ay hindi basta-bastang itinakda kundi batay sa pagsusuri ng social worker na naatasan sa kaso ni Rose.
Binigyang-diin din ng kalihim na ang lahat ng halagang ibinibigay sa ilalim ng iba’t ibang programa ng DSWD ay sumusunod sa itinakdang panuntunan—na may nakasaad na minimum at maximum na halaga—at kailangang dumaan sa pagsusuri. Bahagi ng Oplan Pag-abot ng DSWD, ang aktibong pakikipag-ugnayan ang ahensya sa mga pamilyang naninirahan sa lansangan.
Samantala, humingi rin ng paumanhin si Secretary Gatchalian sa mga social worker o sinumang maaaring na-offend sa paggamit ng simbolikong titulong “honorary social worker” para kay Rose.
Ang mga pahayag na ito ay kasunod ng mga natanggap ng ahensya na sari-saring komento patungkol sa paggawad nila ng “honorary social worker” at pagbigay ng 80,000 sa natagpuang babae.