-- Advertisements --

Nakatakdang magpatawag ng full-Cabinet meeting si Pangulong Rodrigo Duterte sa October 12 para talakayin ang pagbubukas pa ng ekonomiya at mga hamon sa pampublikong transportasyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, itinakda ni Pangulong Duterte ang nasabing Cabinet meeting matapos talakayin sa ginawang meeting sa Malacanang kamakailan ni Acting Socio-economic Planning Secretary Karl Kendrick Chua ang epekto ng COVID-19 pandemic sa mga Pilipino at pagtaas ng hunger incidence o bilang ng mga nagugutom at malnutrisyon sa mga bata.

Ayon kay Sec. Roque, ito ang dahilan kaya nagpatawag ng full-Cabinet meeting si Pangulong Duterte sa susunod na Lunes, ganap na alas 4 ng hapon para talakayin ang mga opsyon kaugnay sa lalo pang pagbubukas ng ekonomiya at bigyang tugon ang kawalan ng sapat na trasportasyon.

Magugunitang nananawagan ang grupo ng mga employers para dagdagan pa ang kapasidad ng transport sector para makapasok ang mga manggagawa sa iba’t ibang industriya.

“Ito po ang dahilan kung bakit nagpatawag po ang Presidente ng full Cabinet meeting sa susunod na Lunes po, alas-kuwatro ng hapon para i-discuss pa po itong mga option para lalo pang buksan ang ekonomiya at bigyan ng kasagutan iyong kawalan ng transportasyon,” ani Sec. Roque.