-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN- Inaasahang matatanggap ng transport sector ang inilaang fuel subsidy para sa kanila.

Ito ang ibinahagi ni Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) President Liberty de Luna sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa naturang usapin.

Aniya, ipapasok sa kani-kanilang mga bank card ang naturang subsidiya kung saan ay makakatanggap ng P10,000 ang mga consolidated at modernized units, habang P6,000 naman sa mga hindi pa nakapag-consolidate, at P1,500 para sa mga traicycle drivers at operators na may prangkisa.

Saad ni de Luna, matatanggap naman ng mga ito ang naturang fuel subsidy kung may magiging maayos na sistema sa pamamahagi sa lahat ng mga drayber at operator sa buong bansa.

Kaugnay nito ay labis naman nilang ikinatutuwa ang pamamahagi ng fuel subsidy sa hanay ng transportasyon na maituturing nilang regalo mula kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kung saan ay umaasa silang mabibigyan ang lahat ng mga drayber at operator sa bansa.

Aniya na bagamat kulang pa rin ito dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo, malaki pa rin ang kanilang pasasalamat sa Punong Ehekutibo.
Patuloy silang umaasa na magpapatuloy at mayroon pang susunod na tranche ng fuel subsidy para sa kapakinabangan ng transport sector partikular na sa hanay ng public transportation.