BAGUIO CITY – Naitatala na ngayon ang frost o andap sa mga pananim, lalo na sa mga gulay sa ilang bayan sa Benguet dahil sa nararanasang mababang temperatura.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni Paoay, Atok Tourism Council chair Edward Haight na sa kabila ng nararanasang pag-andap ay minimal lamang ang epekto nito sa mga gulay.
Aniya, tatlong araw na nararanasan ang frost lalo na sa madaling araw.
Gayunman, sinabi niya na hindi naman apektado ang kanilang mga gulay dahil may taktika na ginagawa ang mga magsasaka.
Ayon sa kanya, mga gulay na resistant sa frost ang kanilang mga pananim gaya ng carrots, radish, repolyo at iba pa.
Dinagdag niya na natuto na ang mga magsasaka kaya bago pa ang pag-andap ay nakahanda na ang mga ito para mapanatili ang dami ng kanilang ani.
Samantala, sinabi naman ni Atok Mayor Raymundo Sarac na manageable ang sitwasyon sa andap kahit patuloy ang pagbaba ng kanilang temperatura.
Pinayuhan pa nito ang mga magsasaka sa agad nilang pagreport sa Department of Agriculture sa anumang epekto ng frost sa kanilang mga pananim para sa kaukulang financial assistance.
-- Advertisements --