Aminado ang Inter-Agency Task Force na hanggang ngayon ay wala pang sapat na dami ng protective materials ang frontliners sa pagpapatupad ng quarantine sa Metro Manila.
Ayon kay Interior Usec. Jonathan Malaya sa panayam ng Bombo Radyo, ilan lamang sa team na ilalagay sa checkpoints ang mabibigyan ng kompletong gear, habang ang iba ay hinahanapan pa ng kagamitan.
Paliwanag ni Malaya, hindi naman isyu rito ang budget, kundi ang kakapusan ng supply na mabibili mula sa mga manufacturer.
Giit nito, hindi lamang sa Pilipinas nagkukulang ang supply ng face mask, protective suit at guwantes, dahil maging sa ibang mga bansa ay wala na ring mabili.
Kaya apela nito sa publiko, tumalima na lamang sa ipapatupad na quarantine, dahil para din naman ito sa kaligtasan ng nakararami.