Wala raw dapat ikabahala ang publiko sa bagong classification ng Department of Health (DOH) sa inirereport na mga bagong kaso ng COVID-19, ayon sa isang public health expert.
Hinimok ng epidemiologist na si Dr. Troy Gepte na tutukan ang inirereport na “fresh cases” ng Health department dahil ito ang indikasyon ng sinusundang trend ng bansa sa infection ng sakit.
Tinatawag na “fresh cases” ang mga bagong kaso ng sakit na lumabas ang resulta, at agad na-validate ng DOH sa nakalipas na tatlong araw.
Ang mga “late cases” naman ay yung resulta ng COVID-19 tests na lumabas at na-validate matapos ang higit sa apat na araw.
“Ang kinakailangan na lang natin siguraduhin, itong mga most recent (cases) lang. Important yan kasi para masabi natin kung gaano natin tina-try ma-reach yung efficiency doon sa atin pag-address sa mga backlog natin.”
“Yung dapat na tinitingnan natin ng pansin ngayon yung ating mga recent o fresh cases. Ito yung nagpapakita sa atin ng trend ngayon.”
Mula nang simulan ng DOH ang paggamit sa mga bagong classification ng new COVID-19 cases, 16 na fresh cases ang maituturing na pinakamababang naitala (via May 31 report).
Pinakarami naman ang 252 fresh cases noong May 30.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, pansamantala lang gagamitin ng kagawaran ang mga bagong termino hangga’t hindi pa nauubos ang backlog sa testing.