-- Advertisements --

Hindi umano akalain ng young singer na si Frankie Pangilinan na magiging malaking isyu ang simpleng pagtutol nito kaugnay sa payo sa mga kababaihan na ayusin ang pananamit upang hindi maging target ng mga rapist.

Pahayag ito ng 19-year-old daughter nina Sharon Cuneta at Sen. “Kiko” Pangilinan matapos umabot na sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) ang paglaki ng kanyang komento lalo’t nasundan ito ng pagbabanta sa kanya na gagahasain.

Pero ayon kay “Kakie,” sana ay mabigyan din ng pansin ng DOJ at NBI ang mas seryosong mga kaso ng sexual assault sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa ngayon aniya ay pinag-iisipan pa niya nang mabuti kung ipupursige ang pagsasampa ng reklamo at kung ano ang magiging consequence nito.

Sa panig ng DOJ-Office of Cybercrime, pinatotohanan ng mga ito ang identity ng nagngangalang Sonny Alcos na siyang nagsabi na kung 12-anyos lamang siya ay gagahasain nito ang Megastar daughter.

Ayon kay Justice spokesperson Usec. Markk Perete, gumamit sila ng “open-source intelligence” upang makumpirma na nag-e-exist si Alcos at maaari pa rin itong makasuhan kahit nasa abroad.

“We have a number of laws which actually would extend jurisdiction for so long as one of the elements of the crime is committed,” saad ni Parete kasabay ng pahiwatig na ipapa-extradite si Alcos pabalik sa Pilipinas.

Una nang inihayag ng NBI na iniimbestigahan na rin nila si Alcos.

Kung maaalala, marami ang sumang-ayon sa young singer na hindi dapat ibase sa pananamit ng isang babae kung ito ba ang may kasalanan kaya nababastos.

Tulad na lamang ng dating TV host na si “Kat” Alano na ibinahaging tipikal na T-shirt at jeans ang kanyang suot noong siya ay gahasain ng isang sikat na celebrity.

Kuwento naman ng aktres na si Lauren Young, hindi naman siya naka-sexy attire sa Boracay noon pero biglang mayroong dumakma sa kanyang dibdib.